Kinoronahan bilang Miss Universe 2023 ang 23 anyos na modelo at host ng telebisyon na mula Nicaragua, si Sheynnis Palacios, sa San Salvador, El Salvador Sabado ng gabi.
Siya ang kauna-unahang Miss Universe ng kanyang bansa sa Central America.
Tinalo ni Palacios ang pambato ng Thailand na si Anntonia Porsild at Moraya Wilson ng Australia nang silang tatlo na lamang ang natira sa final round.
Nang siya ay tanungin ng hurado, sinabi ng naging Miss World Nicaragua 2020 na mahalaga ang pantay na sahod ng mga babae at lalaki upang makapagtrabaho ang mga kababaihan sa kahit anong lugar.
Tinanong rin si Palacios kung sino ang nais niyang makasama ng isang araw, pinili niya ang pilosopo at femenistang taga-Britanya na si Mary Wollstonecraft na ayon sa kanya at nagbigay ng pagkakataon sa maraming kababaihan.
“Walang hangganan para sa mga kababaihan,” aniya sa salitang Espanyol.
Bago ang koronasyon, naglagay ng mensahe si Palacios sa kanyang Instagram.
Sinabi niyang naabot niya ang kanyang pangarap noong bata pa siya na makalahok sa Miss Universe beauty pageant.
“Inaalay ko ito ngayong gabi sa aking inner child at sa bawat babaeng naghangad na maabot ang ganitong pangarap, kahit pa langit ang hangganan, panaginip na napakalaki na tila imposibleng makamit, dahil doon mo malalaman na lalagpasan ng iyong pangarap at mga hangarin ang mga balakid, at tandaan na samahan ito ng determinasyon, tiyaga at humaling,” aniya.
Si Miss Universe 2022 R’Bonney Gabriel ng Estados Unidos ang naglagay ng korona kay Palacios nang itanghal siyang Miss Universe 2023 sa entablado ng Jose Adolf Pineda Arena.
May 84 reyna ng kagandahan mula sa iba-ibang bansa ang lumahok sa timpalak, kasama na si Michelle Dee ng Pilipinas.