Mahirap ang makulong sa Pilipinas dahil sobrang sisikip ng mga selda kaya ang pagtulog ng mga preso ay dikit-dikit. Mainit, marumi at kulang rin sa pagkain sa mga kulungan na nag-uumapaw sa mga nakadetineng nililitis pa ang kaso o siksik ng mga sentensiyado.
Ngunit marahil ay mas maigi pang magdusa sa kulungan sa bansa kaysa sa mga piitan sa bansang Russia kahit pa libu-libong kriminal roon ang pinalalaya na ngayon sa isang kondisyon: kailangan nilang makidigma sa silangang Ukraine upang mapanatiling sakop ng Rusya ang teritoryo.
Libu-libong kriminal roon ang nakipagsapalaran at sinubukan ang alok na kalayaan ng militar subalit marami sa kanila ang hindi nakalaya nang lubusan dahil hindi inuwi sila sa kani-kanilang pamilya na bangkay na matapos mamatay sa digmaan.
Mayroon din naman sa kanila ang nalagpasan ang anim na buwang kontrata na lumaban sa Ukraine at hindi namatay o napinsala sa digmaan. Ngunit sa dami ng namatay sa pakikidigma, ilan lamang sa kanila ang makakapagbalik-lipunan.
Sa mga kosa, mas mabuti namang magtiis sa bartolinang kulungan sa Pilipinas lalo ngayong unti-unting inililipat ang mga nasa punong piitan sa mga penal farm.
Bagaman malayo ang lilipatan at mahihirapan silang dalawin ng mga kaanak na nakatira sa Metro Manila, iigi ang buhay ng mga bilanggo na ipipirmi sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa, Palawan hanggang sa matapos nila ang kanilang sintensya. Bakit kamo?
Sa IPPF, magiging magsasaka ang turing sa kanila imbes na bilanggo dahil pagsasaka ang kanilang magiging trabaho roon. Sa katunayan, ang mga bilanggo ng IPPF ang nagtatanim ng palay, mais at gulay sa ekta-ektaryang lupain ng IPPF.
Ayon sa Bureau of Correction, ang IPPF ay mayroong 4.5 ektaryang gulayan, 30 ektaryang kasuyan, 40 ektaryang palayan, 25 ektaryang maisan, isang ektaryang prutasan at taniman ng herb, kalahating ektaryang palaisdaan para sa tilapia, at 400 ektaryang pastulan para sa produksyon ng karne at gatas ng baka.
May hati ang mga bilanggo ng IPPF sa kita sa pagbebenta ng mga aning pagkain. Bukod rito, makakaipon sila ng good conduct time allowance upang mabawasan ang kanilang sintensya.
Ang pagtatanim ay hindi lamang kapakipakinabang kundi nakakalibang kaya makabubuti ito sa repormasyon at kalusugan ng mga criminal. Ang kaalaman at kasanayan rin nila sa pagsasaka ay madadala nila kapag malaya na sila at magagamit nila bilang pangkabuhayan para sa tuloy-tuloy nilang rehabilitasyon.
Maganda at mabuti ang programa ng BuCor na ilipat ang mga bilanggo sa mga penal farm dahil bukod sa makikinabang ang mismong mga bilanggo ay makakatulong rin sila sa iba tulad ng ginagawa ng mga karaniwang magsasaka sa pagsisiguro na may pagkain ang mga mamamayan.