Iginiit ni Vice President Sara Duterte na wala siyang balak na tumakbo bilang Pangulo sa darating na 2028 national elections at hirit pa niya, ang kanyang mga plano para sa hinaharap ay nakasalalay sa Diyos.
Ayon kay Duterte, kahit ang pagtakbo bilang bise presidente ay hindi niya pinlano, kaya naman wala rin umano siyang balak na tumakbo para sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno sa bansa.
Nauna nang iniulat na sinabi ni Duterte na naniniwala siyang may tiwala pa rin sa kanya si President Ferdinand Marcos Jr. kasunod ng mga isyu hinggil sa umanoy pagkasira ng UniTeam coalition.
“Hindi ko naman talaga ambisyon na tumakbong vice president and lalong lalo na ang president. Alam niyo naman lahat ‘yan. Sinabi ko noon na hindi ko gustong tumakbong president,” sabi ni Duterte.
“Lahat ng ginagawa natin [everything we do], we can only plan, but it will truly be God’s plan that will prevail,” dagdag niya.
Nang matanong kung kumusta ang relasyon nila ni Marcos sa pamumuno sa bansa, sinabi ni Duterte na maayos naman sila at walang namumuong sigalot.
Samantala, sinabi ni Duterte na tinitingnan pa rin ng kanyang tanggapan ang mga diumano’y hakbang para i-impeach siya, at sinabi rin na ayos lang sa pagitan niya at ni Marcos.
“We are currently doing our due diligence about this one and we will release a comment [at the] appropriate time,” saad ni Duterte.
Kung matatandaan, nauna nang sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na walang mga hakbang sa Kamara ng mga Kinatawan para patalsikin ang Bise Presidente.
“I’m not aware of anything… nothing filed, no news of that,” sinabi ni Romualdez sa mga mamamahayag sa isang panayam sa San Francisco, California.
Dagdag pa ni Romualdez, hindi niya alam kung saan nanggagaling ang mga tsismis sa impeachment.
Nasa US ang pinuno ng Kamara bilang bahagi ng delegasyon ni Pangulong Marcos Jr para sa 6 na araw na pagbisita.
Lumakas ang ugong ng mga balitang impeachment laban kay Duterte matapos ang pagpapatalsik kay Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo bilang deputy speaker.
Itinuturing si Arroyo bilang political mentor ni Duterte at kaalyado niya at ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si Davao City Third District Representative Isidro Ungab, isa pang kaalyado ni Duterte, ay tinanggal din sa kanyang deputy speaker position.