Isang Pilipina ang napabilang sa KATSEYE, ang pinakabagong ultimate global girl group na inilunsad ng Geffen Records at HYBE na siyang entertainment company ng K-pop boyband na BTS.
Batay sa resulta ng botohan ng “The Debut: Dream Academy,” isang reality TV show, si Sophia Laforteza ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa parehong Early at Live na botohan.
“I can’t even put it into words but I’ve worked so hard to be here and I appreciate everybody who has voted for me and has supported me since day one,” pasalamat ni Sophia sa mga bumoto sa kanya.
“My family, my friends, my sonnies, I wouldn’t be here if it wasn’t for you guys. Thank you to everybody in this whole project for believing in me and for allowing me to grow. I’m so grateful.”
Nilampaso ng 20 anyos na bagets ang siyam na finalists na mula sa iba’t ibang bansa sa The Debut: Dream Academy.
Umabot siya sa finals ng tagisan ng talento matapos niyang lampasan ang tatlong misyon. Sa unang misyon ay ipinamalas niya ang malakas niyang boses sa pag-awit ng “Still Into You” ng Paramore upang pumangalawa.
Nanguna naman siya sa ikalawang misyon matapos magtanghal ng “Antifragile” ng Le Sserafim kasama ang tatlo pang kalahok.
Tumuloy siya sa live finale na yugto ng Dream Academy nang muli siyang manguna sa ikatlong misyon.
Makakasama ni Laforteza sa Katseye sina Lara Raj, Daniela Avanzini at Megan Skiendiel mula sa Amerika, Yoonchae Jeong ng South Korea, at Manon Bannerman ng Switzerland.
Ayon sa ulat, si Sophia ay anak ng theater actress na si Carla Guevara Laforteza.