Arestado ang isang lalaki sa Palawan dahil sa pagbebenta niya ng mga gamot kahit hindi siya otorisado na gawin ito.
Kinilala ng pulis ang suspek na si Ricky Parangue, 52 anyos.
Naaresto si Parangue isang buy-bust operation nitong Biyernes sa Barangay Bancao-Bancao, Puerto Princesa City.
Nasamsam sa kanyang bahay ang mga gamot na nakaimbak at kanyang ipinagbibili ngunit walang nakitang papeles na nagpapahintulot sa kanya na magtinda o mag-imbak nito sa bahay, ayon kay Police Major Joseph Severino, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group.
Sinabi ni Severino na si Parangue ang nagdadala ng biniling gamot sa mga bumili. Umaabot siya sa Roxas sa norte at Buliluyan sa timog.
Napag-alaman sa imbestigasyon na binibili ni Parangue ang mga gamot sa iba’t ibang parmasiya at inilalako ito sa mas murang halaga–taliwas sa kanyang pahayag na meron umano siyang prangkisa ng parmasiya.
Nakumpiska kay Parangue ang P500 halaga ng buy-bust money at ilang mga produkto na tinatayang nagkakahalaga ng P25,000.
Kasakuluyang nasa kustodiya na ng mga pulis ang suspek na nahaharap sa paglabag sa Section 30 ng Republic Act 10918, o ang Philippine Pharmacy Act. VA Angeles.