Isang malakas na lindol ang yumanig sa Davao Occidental nitong Biyernes ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology kung saan umabot umano sa magnitude 6.8 ang naging lakas nito.
Sa tala ng state seismic bureau, tectonic ang pinagmulan ng lindol na naramdaman pasado alas-kuwatro ng hapon na naunang naiulat na may lakas na magnitude 7.2 pero ibinaba kinalaunan sa 6.8.
Naitala ang sentro nito sa 05.37°N, 125.15°E – 030 km S 81° W ng Sarangani (Davao Occidental) na may lalim na 10 km.
Ayon pa sa ahensya, naramdaman ang pagyanig sa Glan, Sarangani; General Santos City, South Cotabato na may lakas umanong Intensity 8; Matanao, Davao del Sur; Maasim, Malapatan, Sarangani; Lake Sebu, Tampakan, Polomolok, Banga, South Cotabato na may lakas na Intensity 5; at sa Kidapawan City, Cotabato; Magsaysay, Davao City, Davao Del Sur; Don Marcelino, Jose Abad Santos, Davao Occidental; Kiamba, Maitum, Sarangani; Norala, Tantangan, South Cotabato; President Quirino, Lebak, Isulan, Esperanza, Columbio, Kalamansig, Sultan Kudarat na may lakas na Intensity 4.
Nagpapaala ang PHIVOLCS na posible ang mga aftershocks pero nilinaw ng ahensya na wala naman umanong banta ng tsunami dahil sa lindol.
Base naman sa mga paunang ulat, ramdam ang malakas na pagsanig sa General Santos City.
“Yung unang pagyanig siguro mahigit one minute siguro at narinig na lang na mayroong mga bumagsak sa loob ng bahay. Naglabasan din ‘yung mga tao at narinig din natin ‘yung siren ng ambulance,” saad ng isang opisyal.
Sa Polomolok, South Cotabato, ilang residente umano ang hinimatay dahil sa malakas na lindol.
Sa ibang dako, isang crane sa ibabaw ng ginagawang condo sa Marinag, Davao City, ang nasira at bumagsak ang bahagi at sa kabutihang palad ay wala namang nabagsakan.
Sinusuri pa umano ng mga awtoridad ng lungsod ang pinsala ng lindol.
Ilang bahagi ng South Cotabato ang nawalan ng suplay ng kuryente dahil sa malakas na lindol.