Isang ginang na bihag ng mga teroristang Hamas ang nanganak sa Gaza, ayon sa asawa ng punong ministro ng Israel.
Sa liham ni Sara Netanyahu kay First Lady Jill Biden ng Estados Unidos nitong Miyerkoles, nanawagan siyang pakawalan na ang nasabing hostage.
“You can only imagine, as I do, what must be going through that young mother’s mind as she is being held with her newborn by these murderers. We must call for the immediate release of them and all those being held … The nightmare that began over a month ago must end,” pahayag ni Netanyahu.
Bukod sa ginang na nanganak, sinabi ni Netanyahu na kabilang sa mga bihag ang isang 10-buwang gulang na sanggol.
“He became kidnapped even before he learned how to walk or talk,” saad niya.
Batay sa ulat ng Agence France-Presse, tinatayang 240 katao ang dinukot ng mga Hamas sa Israel nang atakihin nila ang Israel noong Oktubre 7 at dinala ang mga bihag Gaza na pinamamahalaan ng grupo ng terorista.
Ang naturang pag-atake ay pinakamadugo sa kasaysayan ng Israel dahil 1,200 ang pinatay na tao, karamihan ay mga sibilyan.
Samantala, tinatayang nasa 11,300 katao naman ang nasawi sa Gaza na karamihan ay mga sibilyan rin dahil sa pag-atake ng mga pwersa ng Israel bilang ganti at upang mabawi ang mga binihag na Israeli.