Iniulat ng mga otoridad nitong Huwebes na dalawang pasaherong pinaniniwalaang mag-live in ang namatay matapos silang malapitang barilin nang mga hindi pa nakikilalang mga salarin sa Carrangalan, Nueva Ecija noong Miyerkules.
Sinabi ni Carrangalan Police chief Police Maj. Rey Ian Agliam, sumakay umano ang dalawang biktima na mag live-in partners sa Cauayan City, Isabela habang ang mga gunman ay sumakay sa bus sa bandang Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa dascam na nakakabit sa bus, kitang malapitang binaril sa ulo ng dalawang salarin ang mga natutulog na biktima.
“Maglive-in partner ito…Sa ngayon hindi ko pa mai-di-divulge ang mga pangalan nila kasi wala akong pahintulot sa mga kamag-anak,” saad ni Agliam sa isang panayam.
Base sa paunang imbestigasyon, negosyante ang dalawang biktima na papunta sana sa Lapaz, Tarlac.
“Yung ano po is galing recently sa Canada, businesswoman (siya) and then ano po businessman yung lalaki. Dalawang negosyante,” sabi ni Agliam.
Kuwento naman ng konduktor ng bus, nasa 38 ang kanilang mga pasahero at galing sila ng Tuguegarao papunta ng Sampaloc, Maynila at binabaybay nila ang bahagi nang Barangay Minalin sa Carranglan nang mamaril ang mga suspek, bago sila nagmadaling bumaba sa liblib na bahagi ng bayan.
Ayon sa police chief, walang ibang sinaktan ang mga salarin sa loob ng bus.
“Posibleng gun-for-hire ‘yung dalawa,” sabi ni Agliam.
Dagdag niya, nagsuot umano ng camouflage ang mga suspek para hindi masita sa mga checkpoint.
Sinabi rin ni Agliam na posibleng mga personal na kadahilanan at hindi negosyo ang ugat ng pamamaril sa dalawang biktima at base sa kanilang pagsusuri, maaaring nakaplano na ang pamamaslang.
“May ano doon sa babae, may pagbabanta,” sabi ni Agliam.
“May theory kami na ito ay ‘Plan B’ na ng assassination sa dalawa. Parang plan B na nila ito, kasi merong sasakyan itong mga biktima. Ang pinagtataka namin bakit sila nag-commute at papaano nasundan. ‘Yan ang aalamin namin. Magba-backtracking po kami,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Agliam na isinagawa na ng pulisya ang kanilang hot pursuit operations nitong Miyerkoles laban sa mga suspek na nagtago umano sa kabundukan.
“Ang mga suspects ay bumaba ng bus, then tumawid sa ilog, then umakyat ng bundok. May mga eyewitness tayo…na umakyat ng bundok ang dalawang suspect,” sabi ni Agliam.