Nilusob ng mga sundalong Israeli ang bahagi ng pinakamalaking ospital sa siyudad ng Gaza upang buwagin ang umano’y command center ng mga teroristang Hamas na nasa mga lagusan sa ilalim nito.
Dose-dosenang sundalo ang nagpaputok sa ere at nag-utos sa lahat ng lalaki na naroroon na sumuko, ayon sa ulat ng isang mamamahayag sa Agence France-Presse.
Pumasok din ang mga tangke ng Israel sa compound ng ospital ng Al-Shifa, ayon kay Youssef Abu Rish, isang opisyal sa ospital na pinatatakbo ng Hamas.
Umapela ang Red Cross at World Health Organization na huwag saktan ang mga sibilyan at pasyente sa ospital.
Tinataya ng United Nations na may 2,300 tao sa ospital na hindi makaalis dahil sa labanan ng mga Israeli at Hamas.
Kinondena naman ng Palestinian Authority ang pagsalakay sa Al-Shifa at binansagan itong paglabag sa international law.
Ayon sa mga saksi, ubos na ang mga gamit sa ospital at wala ring pagkain at tubig. Nangangamoy rin ang mga bangkay na pasyenteng namatay at hindi mailibing dahil sa labanan.
Sinabi ng Israel army na nagdala sila ng incubator at pagkain para sa mga sanggol, pati na mga medical supply.
Layon ng mga sundalong Israeli na lipulin ang mga teroristang Hamas na nag-masaker ng 1,200 mamamayan ng Israel noong Oktubre 7.
Sa pambobomba ng Israel sa Gaza upang mapatay ang mga Hamas, nadamay pati mga sibilyan. Ayon sa ministry of health sa Gaza, may 11,320 tao na ang namamatay sa pambobomba, karamihan mga sibilyan.
Kabilang sa mga nasawi ay libu-libong bata.