Inihayag ng Department of Foreign Affairs na dumating na umano sa Pilipinas ang ikatlong batch ng mga Pilipino mula sa Gaza na binubuo ng 14 na Pilipino kabilang ang 4 na bata at isang sanggol.
Dumating ang mga ito sa NAIA Terminal hapon nitong araw ng Martes.
Ang repatriation efforts na ito ng pamahalaan ay sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Israel at teroristang grupong Hamas na nasa Gaza na kasalukuyang nakataas ang lebel ng krisis doon sa Alert level 4.
Nitong Martes, mayroon ng kabuuang 75 Pilipino at 8 asawang Palestinian national ang na-repatriate mula Gaza at kasalukuyang nasa Pilipinas.
Samantala, pinamamadali na ng pamahalaan ang pagpapauwi sa mga Pinoy na apektado sa pambobombang ginawa ng Russia sa civillian cargo vessel na papasok sa pwerto ng Odesa sa Black Sea noong Miyerkules.
Ayon kay OWWA Administrator Arnell Ignacio, labis na napinsala ang barkong tinamaan ng missile, at hindi na nito kaya pang maglayag dahil sa nangyaring pagsabog at dagdag niya, kailangan nang mapauwi ang mga biktima dahil tiyak na nakakaranas ang mga ito ng trauma.
Kasalukuyan na rin ang kanilang ginagawang pakikipag-ugnayan sa manpower agency upang mapadali ang pag-uwi sa mga marinong Pinoy.
Ayon kay Ignacio, plano nilang bago sumapit ang Pasko ay makasama na ng mga marinong Pinoy ang kani-kanilang mga pamilya.