Ang bagong mamahaling drama princess, si Jhassy Busran, sinagpang ng buong husay at galing ang kanyang katauhang si Felipa na mapapanood sa “Unspoken Letters,” na ipapalabas sa mga sinehan sa Disyembre 13.
Mula sa produksyon ng Utmost Creative Motion Pictures, panulat at direksyon ni Gat Alaman, na tumatayo ring executive producer, at sina Paolo Bertola at Andy Andico bilang mga katuwang na direktor, ang “Unspoken Letters” ay dramang pampamilya kung saan ang buhay at kwento ni Felipa, isang dalagitang labing pitong taon at may kaisipan na pang- pitong taong gulang na paslit ay tiyak na aantig sa damdamin, magpapalawak ng pang-unawa at hahaplos sa puso ng lahat.
Kuwento ni Jhassy: “Nag-audition po ako sa pelikula. Siempre, masaya ako na maging si Felipa pero at the same time, kinabahan kasi nga po, may mental retardation siya. So, on my part, I did a lot of research. Nanood ng mga video on how they speak and interact. Kasi po si Felipa ang mental age niya ay 7-years old, at yung ugali na common sa ganung age, yung playful, friendly, yung essence ng isang bata, yun talaga ang ibinigay ko sa character ko. I want it to be a sensitive portrayal, yung may puso at sincere.”
Kasama ni Busran sa pelikula sina TonTon Gutierrez, Gladys Reyes, Glydel Mercado, Matet de Leon at Simon Ibarra.
Si Gutierrez, ay tinanghal na best supporting actor para sa pelikulang “Saan Nagtatago Ang Pag-Ibig?”kung saan si Val, ang katauhan nito, ay may mental retardation rin. Si Reyes naman, sa tunay na buhay ay may kapamilyang tulad rin ni Felipa.
Ano ba ang natutuhan niya sa pakikipag-trabaho sa mga batikang artistang sina Gutierrez at Reyes? Tugon agad ng bagong drama princess: “Na-appreciate ko po na pag nakikita sila on the set wala ka pong mararadaman na malayo na ang narating nila sa industriya. Hindi sila nagamataas. Lahat equal ang treatment. Ang professional po nila. Ang babait kaya nawala agad yung takot at kaba ko sa mga eksena ko with them. Si Ate Gladys at si Kuya TonTon, pareho po akong na-starstruck sa kanila. As a baguhan, inisip ko na kakayanin ko ba na makatarabaho ko sila? Gusto ko kasi na kahit na baguhan ako, makita at maramdaman nila na kaya kong sumabay. Na sincere ako sa emotions ko at makakapag-react sila sa akin. Kasi nga di ba, acting is reacting.”
Dagdag pa ni Jhassy: “Si Ate Gladys, napaka-light at jolly ng personality niya. Wala yung pagkasungit. Hindi ko nga naramdaman na yung pagka-kontrabida niya. Saka may eksena kami na noong pinanood niya sa preview, napaiyak talaga siya.”
“Si Kuya TonTon naman, sobrang bait at giving,”patuloy na kwento ni Jhassy. “Sa story conference magkatabi kami at pinaramdam niya agad na super welcome ako, na hindi niya ako trinato bilang baguhan. Ang nakakatuwa pa kay Kuya TonTon, napaka-open niya in giving tips para mas gumanda pa at mas totoong-totoo ang mga eksena naming.”
Ang pagiging mahusay na aktres ang talagang gustong mangyari sa kanyang karera: “Acting ang first love ko. Dito ko pa nakikita na mag-gro-grow as a person, at pati ang talent ko, alam ko dito mag-blo-blossom. Ang sarap po sa pakiramdam to do a role na challenging na malayong-malayo sa kung sino ako. At yung mabigyang boses at damdamin siya.”
Pagtatapos ni Jhassy: “Mahirap na masarap gawin si Felipa lalo na nga’t dapat talaga sensitibo ang portrayal ko sa kanya. Ayaw ko kasing may ma-offend sa pagbibigay buhay sa kanya lalo na nga’t may community na dapat tama ang representation sa kanila.”
Ang red carpet premiere ng “Unspoken Letter” ay mangyayari sa November 30, sa Cinema 8 ng Trinoma Mall. Ang pelikula ay released at distributed ng Reality Entertainment.