Nagawa umano ng Russia na mailikas ang dose-dosenang katao mula sa Gaza strip na nagpapatuloy na target ng military operations ng mga sundalo ng Israel at mga miyembro ng teroristang grupong Hamas.
Sa naging pahayag ng Russian emergency services, 70 katao na karamihan ay mga Russian ang kanilang nailikas mula sa naturang lugar, sa pamamagitan ng Rafah Crossing.
Kung matatandaan, una nang ikinagalit ng Russia ang naunang pahayag ng pamahalaan ng Israel na maaaring umabot ng dalawang linggo para tuluyang mailikas ang mga Russian na naroon sa naturang lugar.
Sa kasalukuyan kasi ay nasa 500 hanggang 600 na mga Russians ang naitalang apektado sa naturang lugar.
Ayon sa Russian emergency services, nakahanda ang naturang bansa na pamahalaan ang pagpapalikas sa mga apektado ng naturang kaguluhan, hindi lamang ang mga Russian citizens kungdi maging ang mga mamamayan ng ibang mga bansa.
Tiniyak din ng naturang bansa na nakahanda itong magbigay ng mga pagkain at iba pang pangangailangan sa mga indinbidwal na maililikas nito mula sa Gaza.
Samantala, ibinunyag naman ngayon ng Hamas-run health ministry sa Gaza na mayroong 11,078 katao na ang nasawi mula ng paigtingin ng Israel ang kanilang military operations sa Gaza.
Kinabibilangan ito ng 4,506 na mga bata at mahigit na 3,000 na babae habang mayroong mahigit 27,000 katao naman ang nasugatan.
Una ng nagpahayag pagdududa ang US at Israel sa bilang na inilabas ng Hamas-run ministry subalit ito ay kinatigan ng World Health Organization na ang bilang na ibinigay ay makatotohanan.