Ibang-iba na talaga ang mga kabataan ngayon.
Kung noon kasi, kapag tinatanong ang mga kabataan kung ano ang nais nilang marating pagdating ng araw, halos pare-pareho lamang ang sagot na maririnig natin, gaya ng “gusto kong maging doktor,” “engineer,” “pulis,” “architect” at kung anu-ano pa.
Karaniwan na ang mga sagot ng mga kabataan noon at ang ilan nga sa kanila ay natupad ang kanilang mga pangarap dahil matapos nilang makatapos ng pag-aaral sa kolehiyo ay nagtagumpay na sila sa kanilang mga piniling larangan.
Pero dahil nagkaroon ng pandemya, marami na ang umasa sa mga online applications na panay negosyo ang naging pangunahing gagawin bukod sa mga work from home set-ups, kaya naman naging iba na ang istruktura ng mga kabataan ngayon lalo na at halos lahat sila ay adept sa internet at iba’t ibang online applications.
Lalong lumutang ang pag-shift sa online nang maglabas ang PhilCare – isang healthcare company – ng isang survey na nagpapakitang mas marami na umanong kabataang Pinoy ngayon ang mas gustong magtayo ng sariling negosyo at magkaroon ng iba’t ibang raket o sideline sa halip na manatili sa isang trabaho na pangmatagalan.
Sa tala ng PhilCare survey, sa mga kabataang Pinoy edad 16 hanggang 26 na kabilang sa henerasyon na tinatawag na GenZ, or Zoomers, 28 percent ang nagsabing mas gusto nilang magtayo na lang ng sariling business; 26 percent ang nagsabi na kung maghahanap-buhay man sila, mas gusto nila na flexible ang kanilang oras sa trabaho.
Samantala, nasa 24 percent naman ang nagsabing mas gusto nilang magkaroon ng mas maraming sideline o “gig” kaysa isang full time na trabaho.
Ayon kay Dr. Fernando Paragas, PhilCare lead researcher at Dean ng UP College of Mass Communications, lumalabas sa pag-aaral na hindi lang basta trabaho ang hinahanap ng mga GenZ dahil mas mahalaga sa kanila na magkaroon ng makabuluhang karera na akma sa kanilang personal lifestyle at propesyonal na mga layunin.
Lumabas din sa survey na number one priority ng mga kabataang empleyado ang pagkakaroon ng magandang health benefit sa trabaho, malapit lang ang trabaho sa kanilang tahanan at pangatlo naman sa kanilang wishlist ang masayang work environment habang nasa pang-apat lamang sa listahan ng priority ng mga kabataan ngayon, ayon sa Philcare survey, ang sweldo.
Iba na talaga ang mga kabataan ngayon, subalit hindi naman masama ang kanilang mga hangarin na magkaroon ng sariling pagkukunan ng pagkakakitaan sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap.