Pinuri ni House Speaker Martin Romualdez nitong Lunes si Vice President Sara Duterte sa naging desisyon nito na isuko na ang pinapanukalang confidential funds sa ilalim ng 2024 national budget.
Ayon kay Romualdez, ang ginawa ng pangalawang Pangulo ay isang tamang desisyon at umaasa siya na magkakaroon nang mas magandang relasyon at ugnayan ang Kamara at Office of the Vice President.
Naniniwala rin ang House Speaker na ang ginawang hakbang ni Duterte ay makakabuti umano sa relasyon sa pagitan ng mga mambabatas at ni VP Sara.
Binigyang-diin ni Romualdez na nais umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsanib pwersa at magtrabaho ng sama sama para sa ikabubuti ng bansa at sambayanang Pilipino.
Samantala, inihayag naman ni Romualdez na kaniyang ialay ang kaniyang buong buhay na pagsilbihan ang sambayanang Pilipino ng mas mahusay.
Sa flag raising ceremony, kinilala din Romualdez ang mga empleyado ng Kamara de Representantes, kasama ang mga congressional staff sa kanilang sipag at dedikasyon sa trabaho at sinabi na sila ang nagsisilbing lakas ng kapulungan.
Nagpasalamat si Romualdez, ang lider ng mahigit 300 kongresista, sa mga empleyado sa isinagawang flag-raising ceremony ng Kamara ngayong Lunes.
Ayon pa sa Speaker, nagsusumikap din ang liderato upang masuklian ang pagtatrabaho ng mga empleyado at matiyak na maayos ang kanilang pinapasukan.