Nakalaya na ngayong Lunes ng gabi si dating Senador Leila de Lima matapos ang halos pitong taong pagkakaulong sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City matapos maproseso ang kanyang piyansa at sumailalim sa physical check-up.
“I’m free. Salamat, sa wakas, malaya na po ako… after 2,424 days. I am now free. Sweet, sweet freedom. Thank you, Lord. Thank you, everyone,” saad ni De Lima sa kanyang paglaya.
Nitong Lunes kasi, pinayagan na ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206 ang mosyon ng dating senador na makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan nitong Lunes.
Matapos ang halos pitong taon, mayroon na umanong tiyansa na makalaya ang dating senador na nahaharap pa rin sa mga kaso na may kaugnayan sa mga ilegal na droga sa National Bilibid Prison.
Sa isang mensahe, sinabi ng legal counsel ni De Lima na si Atty. Boni Tacarardon na pinayagan ng Muntinlupa RTC na irekonsidera ang nauna nitong pasya at payagan ang kaniyang kliyente na magpiyansa.
“Motion granted,” saad ni Tacardon.
Kung matatandaan, Pebrero 2017 nang madetine si De Lima sa Camp Crame dahil sa alegasyon na nakinabang siya sa kalakaran ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison noong kalihim pa lang siya ng Department of Justice.
Mariing pinabulaanan ni De Lima ang mga bintang laban sa kaniya.
Sa tatlong isinampang kaso laban sa kaniya, naibasura na ang dalawa sa mga ito. Napawalang-sala siya sa isang kaso noong February 2021 ng Muntinlupa City RTC Branch 205.
Nitong nakaraang May 12, pinawalang sala naman ng Muntinlupa RTC Branch 204 si De Lima at Ronnie Dayan, dati niyang bodyguard, sa isang pang kaso.
Ang nakabinbing kaso na lang sa RTC Branch 206 ang natitira kung saan pinayagan na rin siyang makapagpiyansa.
Dahil dito, maaari nang makalaya pansamantala si De Lima kung wala na siyang ibang kasong kinakaharap sa sandaling mabayaran na niya ang piyansa.
Samantala, nagpahayag naman ng kanilang mga reaksyon sa nangyaring pagpayag na makapagpiyansa ang dating senador.
Sinabi ni dating Vice President Leni Robredo na ang naging desisyon ng korte ay nagpapakita umano na wala umanong basehan ang mga alegasyon laban sa dating senador.
“Matagal nating hinintay ang araw na ito, sa pananalig na ang tama at totoo ang palaging mananaig,” said Robredo.
“Pinatutunayang muli ngayon na walang basehan ang mga paratang laban kay Senator Leila. Ang lahat ng mga paninira at panggigipit na naranasan niya sa loob ng halos pitong taon ay bunga ng kaniyang pangangahas na tumindig para sa tama—para sa ating mga kababayan,” dagdag niya.
“Through all these years, Sen. Leila has been a source of inspiration for us. Her courage and her faith lent so many of us the resolve to continue fighting the good fight, to speak truth to power, and to keep believing that the Filipino people deserve so much more,” sabi pa ng dating Bise Presidente.
“Masaya ako na sa wakas ay namayani ang hustisya at makakapiling na natin nang malaya si Sen Leila. Tagumpay ito hindi lang para sa kaniya, kundi para sa ating bayan.”