Binantaan ng Israel ang teroristang Hezbollah na huwag sumawsaw sa laban nito sa mga teroristang Hamas sa Gaza kung ayaw nilang magdusa ang mga taga-Lebanon at masira ang Beirut.
Sinabi ni Defense Minister Yoav Gallant nitong Sabado na kapag nagkamali ang Hezbollah, na suportado ng Iran, ay mga mamamayan ng Lebanon ang magbabayad.
“Kung ano ang ginawa namin sa Gaza, kaya naming gawin sa Beirut,” banta ni Gallant.
Ang banta ay sumunod sa pahayag ng pinuno ng Hezbollah, si Hassan Nasrallah, na dinagdagan nila ang pag-atake sa Israel bilang suporta sa mga Hamas sa Gaza.
Sinabi ni Nasrallah na tinitira na ng Hezbollah ang Israel ng Burkan missile at mga drones. Ang mga nasabing armas ay mas malayo ang kayang tamaan sa hilagang Israel at umaabot sa siyudad ng Haifa, Acre at Safed.
Kasalukuyang nagpapalitan ng putok ang mga sundalong Israel at teroristang Hezbollah sa border ng Israel at Lebanon. Nakapatay na ng 68 miyembro ng Hezbollah ang Israel mula nang atakihin ng Hamas ang Israel noong Oktubre 7.
Anim na sundalo at dalawang sibilyan naman ang namatay sa panig ng Israel.