Iniulat ng mga otoridad na nasagip umano ng pulisya ang dalawang Chinese national na pinaghihinalaang dinukot matapos pasukin ang bahay kung saan umano sila tinatago sa Meycauayan, Bulacan.
Ang mga biktima, natunton nang makapagsumbong ang isa pang Chinese na tumalon sa rooftop para makatakas.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang dalawang Chinese na may mga sugat sa paa at hindi makalakad nang maayos nang sagipin ng Meycauayan Police sa isang bahay sa isang subdivision.
Nasa ospital na ang isa pang Chinese na nakatakas. Matapos tumalon mula sa rooftop ng bahay, humingi siya ng tulong sa mga security guard ng subdivision kaya rumesponde naman ang mga pulis.
Ayon sa pulisya, nakaposas at nakapiring ang dalawang natirang biktima nang pasukin nila ang bahay. Nadatnan din nilang tulog ang isa sa mga suspek, habang sinunggaban naman ang isa pang suspek na nagbukas ng pinto.
Ayon sa mga biktima, pinahihirapan umano sila at hinihingian umano ng ransom.
Nakuha sa bahay ang vice grip, martilyo at baril.
POGO worker umano ang mga biktima, na ikapitong araw nang pinaghahanap ng kanilang mga kamag-anak.