Binomba ng tubig na naman ng Chinese Coast Guard ang isang barko na nagdadala ng pagkain at tubig sa mga sundalong naka-istasyon sa nakasadsad na barko ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal nitong Nobyembre 10.
Ang pambobomba ng tubig ng CCG vessel 5203 sa m/l Kalayaan, na nai-video ng Philippine Coast Guard, ay upang pigilin itong tumuloy sa BRP Sierra Madre at igiit na nasa teritoryo ng Tsina ito. Binomba ng tubig ang Kalayaan sa harap pa ng isang barkong PCG na ume-escort dito.
Umuwing tila mga basang sisiw ang mga crew ng Kalayaan at PCG, bagaman naihatid nila ang supply at walang nasaktan sa kanila.
Hindi lang ito ang unang pagkakataon na binbomba ng tubig ng CCG ang supply vessel na nagrarasyon ng pagkain at tubig sa BRP Sierra Madre. Nitong Agosto 6 and noong Nobyembre 2021 ay ginawa rin ito ng CCG.
Sa lahat ng insidente, ang naging sagot ng Pilipinas ay magprotesta sa embahada ng Tsina sa Maynila. Mukhang ito ang SOP ng Department of Foreign Affairs.
Lagi na lamang bang basang sisiw ang mga tagarasyon sa Ayungin Shoal at magpapabomba palagi sa CCG? Paghahain ng protesta lamang ba ang sagot sa karahasan ng Tsina laban sa naglalayag sa teritoryo ng Pilipinas?
Ang mga kaalyadong bansa ng Pilipinas, pumiyok lamang sa insidente, puro dakdak lang ang ginawa. Hindi man lang nila mapigilan ang CCG na lubayan ang barko ng Pilipinas o harangan ang buga ng tubig ng CCG para hindi tamaan ang mga Pilipino.
Hanggang ganoon lang ba ang kaya nilang gawin? Iyon lang ba ang silbi ng mga kaalyadong bansa na superpower pa? May silbi pa ba ang Mutual Defense Treaty at EDCA sa Estados Unidos?
Wala na bang dignidad at tapang ang ating PCG o Philippine Navy at magpapaapi na lang lagi sa mga Intsik?
Para saan pa ang mga barko natin kung walang silbi ito na depensahan ang ating teritoryong dagat?
Marami pang susunod na supply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Bobombahin uli sila ng tubig ng Tsina. Sa pagiging basang sisiw natin ay naigigiit ba natin na teritoryo natin ang West Philippine Sea?
Nasaan ang ating soberenya, dignidad at karapatan kung nilalapastangan lamang tayo ng paulit-ulit sa sarili nating teritoryo?
May apog ba ang ating Sandatahang Lakas na pumalag sa pambabastos ng Tsina sa atin?
Hello?