Iniulat ng mga otoridad nitong Linggo na dalawang bangkay umano ng mga hinihinalang biktima ng kidnapping ang natagpuan sa isang construction site sa Barangay San Miguel, Alaminos, Laguna nitong umaga ng Sabado.
Batay sa imbestigasyon, mga bangkay ng isang babae at isang lalaki ang mga biktima na isinako at pawang nakaposas sa likod ang mga kamay at sa ngayon ay wala pang pagkakakilala ang mga bangkay na ayon sa mga pulis ay Chinese base sa kanilang facial features.
Nababahala na ang mga otoridad sa sunod-sunod na kidnapping at mga itinatapong bangkay sa iba’t ibang lugar sa Calabarzon.
Nito lang Nobyembre 1, dalawang bangkay rin ang natagpuan sa bangin sa gilid ng Marilaque Highway sa Tanay, Rizal.
Makalipas ang wala pang isang linggo, noong Nobyembre 6, dalawa ring bangkay na nasa state of decomposition na ang natapuan sa ilalim din ng bangin sa nasabi pa ring highway na sakop naman ng Sitio Tigkay, Brgy. Magsaysay, Infanta, Quezon.
Hindi pa rin nakikilala ang mga natagpuang mga bangkay.