Onli in da Pilipins. Yan ang mga katagang sumasalamin sa diskarteng Pinoy na kahanga-hanga o sa pagkabihasa ng ilan nating kababayan sa larangan ng kabulastugan.
Saan ka naman makakakita ng bangketang di madaanan dahil ginawang tindahan o pribadong parking slot ng mga mapagsamantala? Dito lang sa Maynila.
Saan ka makakakita ng poste ng kuryente na nasa gitna ng daan at ang walang katapusang pagbubungkal ng mga daan upang palitan ang nakabaong daluyan ng dumi at tubig-ulan? Dito lang sa Metro Manila.
Dito rin sa Pilipinas milyun-milyon ang motorsiklong umaandar sa mga daan ngunit hindi rehistrado at may mga katipunang nag-iimprenta ng sariling pera.
At hindi mawawala ang tanyag na University of Recto na lantaran ang pamemeke ng mga papeles, mapa diploma, lisensya, marriage certificate, resibo o government ID man.
Matindi ang pangangailangan sa mga sari-saring dokumento at ID na hinihingi ng mga ahensya ng gobyerno sa mga humihingi ng serbisyo. Kaya naman nakikikompetensya na sa mga namemeke ng papeles ang mga tiwaling kawani ng ilang ahensya ng pamahalaan, na tunay na papeles at ID naman ang ipinagbibili kaninuman. Saan ka pa, e di sa mga ganitong fixer na.
Ngunit sukdulan na ang katiwalian sa BIR at PSA kung sa mga opisina talaga nila nanggaling ang mga Tax Identification Number ID at birth certificate ng mga migranteng Intsik.
May nahuling mga Intsik na nagtatrabaho sa isang POGO sa Pasay City na may TIN ID na hindi peke, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission.
Rehistrado sila bilang taxpayer dahil nasa database ng BIR ang kanilang pangalan.
Bukod sa TIN ID, ang mga nasabing migranteng Intsik ay mayroon pang ID sa PhilHealth, Certificate of Alien Registration, Alien Employment Permit, at police clearance ID. Kumpletos rekados.
Dinaig naman ng PSA ang mga di pa kilalang nagbibigay ng TIN ID sa mga Intsik na manggagawa dito sa Pilipinas. Nalaman ng Senado ang anomalya sa birth certificate mula sa Department of Justice at nagpatawag ito ng imbestigasyon.
Dapat panagutin ang mga nagbigay ng tunay na birth certificate sa mga Intsik. Ginagamit umano ng mga Intsik ang PSA birth certificate nila sa pagkuha ng pasaporte ng Pilipinas. Maaaring naloko na ang DFA at nagbigay ng pasaporte sa Intsik kung hindi sila alisto.
Kung tanyag ang Tsina sa markang “Made in China” sa halos lahat ng klase ng produkto, talbog ito sa Made in the Philippines na BIR TIN ID at PSA birth certificate ng Chinese citizen. Walang Pinoy na makakakuha ng birth certificate sa China pero ang mga Intsik ay nakakakuha ng birth certificate sa Pilipinas.
Masyado nang malaki ang populasyon ng Pilipinas. Mukhang lolobo pa ito kung madadagdagan ng mga Intsik kahit hindi naman sila ipinanganak dito.
Onli in da Pilipins talaga.