Ang pinaka-malakas na fandom sa buong mundo, ang A’Tin pansin na pansin na sina Pablo Nase, Josh Cullen Santos, Justin de Dios, Ken Suson at Stell Ajero, may kinakaharap na sigalot na ang dahilan ay ang pangalan nila na SB19.
Mahusay sa pagmamasid ang A’Tin dahil nga sa pasasalamat ni Felip Jhon para sa kanyang pagtatanghal sa isang mall, wala na sa acknowledgment ang group name nila. Pangalan ng kanyang mga kapatid ang nakasulat.
Sa bago nilang paparating na konsyerto bago ang Asian concert tour, Mahalima na ang ginagamit nila kaya alam na alam na may usapin tungkol sa brand name ng Southeast Asian Superstar Pop Group.
Ang daming mga haka-haka, spekulasyon at opinyon na inilalahad sa Ekis social medua site. Walang gustong idagdag ang inyong lingkod sa mga opinyon dahil sina Ajero, De Dios, Santos, Suson at Nase ay tahimik tungkol rito. Respeto sa kanilang mga diskarte at kung ito ay usaping legal, hayaan natin ang legal counsel nila ang magtrabaho at gamitin ang lahat ng legal remedies para sa pangyayaring ito.
Ang pinaka-mainam gawin ay mas lalong palakpakan at suportaha ang Mahalima sa kasalukuyan nilang mga proyekto. Kung sila nga ay “the concerts and projects must go on” at “silence is our best defense” ang panabla at panlaban sa kasulukuyang sitwasyon na kanilang hinaharap, ang mainit nating pagmamahal, suporta at pagyakap ang ibigay natin sa kanila.
Gustong-gusto ko ang display of professionalism at ang kanilang “when the going gets tough, the tough gets going” stance na ipinapapakita at ipinapadama sa kanilang performances.
Sa huli nga nilang payanig, kahit kitang may lungkot sa mga mata ni Pablo, na tila mas seryoso si Stell, na mas kuyang-kuya si Josh, na hindi mapigilan dumausdos ang luha ni Justin, at si Ken ay mas makulit at ginagawa ang lahat para magpatawa at mas maging magaan ang kanilang mga kalooban, mas lalong naging pusong-puso ang kanilang pagsayaw at pagkanta. Ang mga nakapanood sa kanilang katatapos lang na konsiyerto, lahat ay nagsasabing sakdal husay at galing ang kanilang performance. At stand out ang feels nung kanilang inawit na ang “Liham” at “Freedom.”
May konsiyerto pa sila bilang SB19 sa Singapore, Dubai, Thailand at Japan. Sa takdang panahon, malalaman natin kung itong mga konsiyertong ito ang mga huling pagkakataon na magagamit nila ang kanilang brand name.
Manalig tayo na kung ano ang pinaka-mainam at pinaka-makatwiran sa limang binatang ito na nangarap, dugo, pawis, luha, passion at talento ang naging puhunan, kasama ang pinakamalakas nilang fuerza ang A’Tin, kaya ang mga pangarap nila ay nagkatotoo.
Ano man ang mangyayari sa pinakamalapit na hinaharap, tiyak mas lalong iigting ang artistry at passion nina Pablo, Josh, Justin, Ken at Stell. Makaka-asa tayo na ang paparating nilang EP, ang “Simula at Wakas” ay isa na namang selebrasyon ng kanilang musika, talento at mga pangarap pang nais maabot at maging totoo.
Paalam na nga ba sa SB19 at hello, Mahalima? Kaabang-abang talaga ang susunod na kabanata para kina John Paulo Nase, Josh Cullen Santos, Justin de Dios, Felip Jhon Suson at Stellvester Ajero.