Inakusahan ng teroristang Hamas ang Israel ng pambobomba ng pinakamalaking ospital sa Gaza na ikinamatay ng 13 tao nitong Huwebes, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Sinabi naman ng director ng Al-Shifa hospital sa Gaza City, si Mohammad Abu Salmiya, na dalawa ang namatay at 10 ang nasugatan sa pambobomba ng bahagi ng pasilidad na kinalalagyan ng maternity ward.
Hindi naman maberipika ng AFP ang paratang ng Hamas at ospital.
Bukod sa mga pasyente, sumisilong ang maraming Palestino sa nasabing ospital upang makaiwas sa labanan ng mga teroristang Hamas at tropang Israeli.
Subalit sinasabi ng Israeli army na ginagamit ng Hamas ang mga ospital sa Gaza, pati na ang Al-Shifa, para sa pag-atake sa Israel at taguan ng mga kumander nila. Pinabulaanan ito ng Hamas.
Ayon sa mga saksi, pinaliligiran ng mga tangke ng Israel army ang mga ospital sa Gaza City habang patuloy ang bakbakan ng magkabilang panig. Daan libong tao ang napwersang lumikas sa lugar papunta sa timog ng Gaza para sa kanilang kaligtasan.
Sa ulat ng AFPTV, mga usok mula sa pagsabog ang makikita sa kalangitan ng Gaza City kahapon at maririnig ang mga putok ng baril.
Maraming bansa ang paulit-ulit na nanawagan ng tigil-putukan sa Gaza para makalikas ang mga mamamayan nito ngunit tutol ang punong ministro ng Israel, si Benjamin Netanyahu, hanggang hindi pinakakawalan ng mga terorista ang mga dinukot nilang 240 Israeli noong Oktubre 7.