Labing tatlong oras ang hinintay ng 40 Pilipino bago makalabas sa Gaza Strip na patuloy na binobomba ng pwersang Israeli kahapon.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nagbalita ng paglaya ng mga kababayan natin sa isang video message.
Patungo na ang 40 Pilipino sa Cairo, Egypt kung saan sila sasakay ng eruplano pabalik sa Pilipinas, pahayag ni Marcos.
Pinasalamatan ng pangulo ang pamahalaang Egypt, Qatar at Israel na tumulong sa paglabas ng mga Pilipino sa Gaza.
Naghintay ng tatlong oras ang mga Pilipino bago makatawid ng border crossing sa Rafah. Inabot naman ng 10 oras ang pagproseo ng kanilang papeles ng mga opisyal ng Egypt bago makapasok sa bansa.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, may 30 Pilipino ang nagpalista upang makaalis sa Gaza. Karamihan sa kanila ay asawa ng mga Palestino.
Dalawa sa 40 na nakatawid ng Rafah crossing ay buntis, ayon sa isang ulat ng isang TV station.