Tatlumpu’t dalawang tao ang namatay nang masunog ang isang drug rehab center sa hilagang Iran, ayon sa ulat ng lokal na media kahapon.
Labing-anim naman ang nasaktan o nasugatan sa sunog sa siyudad ng Langarud sa probinsiya ng Gilan, ayon kay deputy governor Mohammad Jalai.
Apat sa mga nasaktan ay nasa kritikal na kondisyon sa ospital.
Hindi pa matukoy ang pinagmulan ng sunog ngunit iniutos na ng pinuno ng hustisya ng probinsiya, Esmail Sadeghi, ang imbestigasyon sa sunog.
Ilang taong hinihinalang may kinalaman sa sunog, kabilang ang manager ng sentro, ang inaresto na, sabi ni Sadeghi.
Sa isang video ng sunog na inere ng brodkaster na ISNA, iniilawan ng malaking apoy ng nasusunog na gusali ang madilim na kaulapan at makapal na usok ang kumalat sa kalangitan.
Sa ibang video naman, makikita ang mga emergency responder, bumbero at ambulansya ang nasa labas ng sunog na gusali.
Sa ibang video, makikita ang nasirang bubong ng sentro, basag na bintana at nangitim na dingding.