Isang lalaking tagasuporta umano ng nanalong barangay chairman sa Barangay Pagala sa bayan ng Bucay, Abra ang nakitang nakahandusay sa gilid ng kalsada at may tama ng bala sa ulo nito.
Base sa mga paunang ulat, kinilala ang biktima na si Silverio Lumaoig, 68-anyos, ng Barangay Pagala at ayon sa pulisya, nakita ang katawan ng biktima dakong 10:00 pm nitong Miyerkules na nakasubsob sa gilid ng kalsada sa tabi ng kaniyang motorsiklo.
Unang inakala ng mga nakakita na naaksidente lang ang biktima. Pero nang suriin, nakitang may tama siya ng bala sa ulo.
Lumilitaw sa imbestigasyon na pauwi na ang biktima nang mangyari ang krimen. Dakong 7 p.m. ay umalis umano ito mula sa bahay ng nanalong barangay chairman.
Kasunod nito ay dumaan ang biktima sa mga kakilala at nakipag-inuman. Nakita ang kaniyang bangkay ilang metro lang ang layo sa bahay ng kaniyang kapatid.
Ang asawa ng biktima, wala raw alam na nakaalitan ni Laumaoig.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.