Nasawi ang isang bata habang inoobserbahan naman ang kanyang kalaro matapos umano silang malison nang kinain nilang bunga ng “wild grass” sa San Carlos City, Pangasinan.
Base sa paunang ulat, nasawi ang 2-anyos na bata habang ang 7-anyos na kaniyang kalaro ay dinala sa ospital.
Sa imbestigasyon na ginawa ng City Health Office, lumitaw na nakita umano ng ibang kalaro ng dalawang biktima na pinaglaruan hanggang sa kainin ang bunga ng wild grass na nakatanim sa lugar.
Ayon kay Chary Banlaoi, hepe ng Sanitation Office, San Carlos CHO, hindi pa matukoy kung anong klase ang bunga o halaman na nakain ng mga biktima kaya patuloy pa ang imbestigasyon.
Inilarawan ng nagdadalamhating ina na si Jessica Dela Cruz, na malambing at masayahin ang pumanaw niyang anak.
Gayunman, ang lola ng biktima, nagdududa kung ang bunga ang nakalason sa kaniyang apo. Hinala niya, ang tubig na galing sa refilling station ang nakalason at nakapatay sa biktima.
Nakita raw niyang uminom ng tubig ang kaniyang apo at nagsuka.
Pero itinanggi ng manager ng water refilling station na si Dionisio De Vera, ang alegasyon na tinawag niyang paninira.