Kinasuhan ng murder ang isang babaeng taga-Australia kahapon dahil sa paghain ng kabute na ikinamatay ng tatlong tao at naging sanhi ng pag-aagaw-buhay ng isang pastor, ayon sa pulis.
Inaresto ang 49-anyos na si Erin Patterson sa bayan ng Leongatha kahapon ng umaga at kinasuhan ng tatlong count ng murder at limang count ng tangkang pagpatay, pahayag ni Natalie Webster ng Victoria Police.
Niluto at hinain ni Patterson ang beef Wellington dish na may kabute noong Hulyo 29 para sa kanyang hiwalay na biyenan, sina Don at Gail Patterson, Pastor Ian Wilkinson at asawa niyang si Heather.
Kinagabihan ay sinugod sa ospital ang dalawang mag-asawa dahil sa sintomas ng pagkakalason sa pagkain. Hindi natapos ang isang linggo ay binawian sila ng buhay.
Tumagal naman ng dalawang buwan sa ospital si Wilkinson, 69 anyos, at nakalabas noong Setyembre 23.
Naniniwala ang kapulisan na ang sintomas na dinanas ng mga biktima ay galing sa pagkain ng nakalalasong death cap mushrooms.
Ang nasabing kabute ay tumutubo kung saan-saan sa mabasa at mainit na bahagi ng bansa. Madaling mapagkamalang kinakaing uri ito. Mas matamis ang lasa nito kaysa sa ibang kabute ngunit nagtataglay ng lasong unti-unting sumisira sa atay at bato.
Si Patterson, isang editor ng community newsletter, ang itinuro ng pulis na suspect sa pagpatay.
Iginiit naman ni Patterson na wala siyang kasalanan at binili lamang niya ang kabute sa isang tindahang Asyano.
Sa pahayag niya sa lokal na media, sinabi ni Patterson na wala siyang dahilan upang saktan ang mga taong mahal niya.