Kasabay sa paggunita sa Undas, nagpaalala ang Armed Forces of the Philippines sa mga Pilipino na gunitain rin nila ang bigyang pugay ang mga namayapang sundalo na nagbuwis ng kanilang buhay para sa bayan.
Ayon kay AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr., ang panahong ito ay isang paanyaya sa atin para bigyang pugay ang lahat ng mga santo, mga kilala man o hindi at ipagdiwang ang buhay ng ating yumaong mahal sa buhay.
Dagdag niya, dapat ring maglaan ng oras para sa pagpupugay sa naiwang legasiya, alaala, at gawaing makabayan ng mga namayapang kasundaluhan.
Pinaalalahanan din ng AFP chief ang lahat ng Pilipino na gamitin ang pagkakataong ibinigay sa mga yumaong bayani para pasihiin ang kanilang commitment para ipagpatuloy ang pagsisilbi sa mga nabubuhay at ipagpasalamat ang biyaya ng buhay at kalayaan.
Maliban sa pagpapalakas ng pananampalataya, binigyang diin din ng AFP chief na ang buhay ng mga bayaning sundalo ay magsisilbing inspirasyon sa lahat.
Samantala nagsagawa ng synchronized candle-lighting ceremony ang Philippine Army sa pamamagitan ng Grave Services Unit ng Army Support Command and Headquarters at Headquarters Support Group, kung saan nakiisa din ang Boy and Girl Scouts mula sa Fort Bonifacio National High School sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City.