Bumaba ang trust and performance ratings nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa pinakabagong Tugon ng Masa Survey para sa third quarter ng 2023.
Ayon sa survey, “significant” ang nabawas sa overall ratings ni Duterte, matapos na walong puntos ang ibinaba ng kaniyang trust rating na mula sa 83% noong second quarter ay naging 75 percent.
Samantala, 12 puntos naman ang nabawas sa kaniyang satisfaction rating na mula sa 82 percent ay naging 70 percent.
Ang trust rating ni Marcos, dalawang puntos naman ang ibinaba sa 73 percent mula sa 75 percent noong second quarter. Anim puntos naman ang natapyas sa kaniyang approval rating na mula sa 71 percent ay dating 65 percent.
Nakuha ni Marcos ang pinakamababang niyang trust rating na 66 percent mula sa National Capital Region, habang sa Balanced Luzon naman nanggaling ang lowest trust score ni Duterte na 64 percent.
Pareho ring nabawasan ng 15 puntos sa trust ratings sina Marcos at Duterte sa NCR, na 66 percent mula sa dating 81 percent.
Umabot naman sa 12 puntos ang nalagas sa satisfaction rating ni Marcos sa Metro na 61 percent. Ang pinakamababa niyang satisfaction rating ay 59 percent na mula sa Mindanao, na bumaba ng siyam na puntos.
Habang 16 na puntos naman ang nawala sa satisfaction rating ni Duterte sa Visayas, na mula sa 90 percent ay naging 74 percent. Nanggaling naman sa Balanced Luzon ang pinakamababa niyang satisfaction rating na 62 percent na dating 74 percent.