Isang lalaki ang inaresto ng mga otoridad nitong nakaraan matapos umanong manaksak ng isang pulis na kumukompronta at humabol sa kanya sa Barangay UP Campus sa Quezon City nitong Martes.
Ayon sa mga ulat, bago ang pananaksak ng pulis ay nambugbog pa umano ang suspek na si Brian Boldero kaya siya pinuntahan ng mga otoridad sa kanilang lugar.
Paliwanag ng suspek, hindi niya maalala kung ano ang mga nangyari at sinabi pang tila may sumanib umano sa kanya.
“Hindi ko po sinasadya… basta nagulat lang ako na biglang may sumasanib… Hindi ko alam iyon eh, nagulat lang ako,” sabi ng suspek.
Nasa maayos nang kalagayan ang pulis na sinaksak na kinilalang si Patrolman Jonathan Orlanes, habang nagtamo naman ng sugat sa mukha at bibig ang lalaking binugbog umano ni Boldero.
Nabawi kay Boldero ang ginamit niyang patalim. Mahaharap siya sa mga reklamong frustrated homicide, direct assault, serious physical injury at illegal possession of deadly weapon in relation to the Omnibus Election Code.
Napag-alamang nakulong na nitong nakaraang taon ang suspek dahil sa pambubugbog sa kaniyang asawa.
Sa ibang balita, nauwi sa pisikalan ang ginawang pagbusina ng truck driver sa nakaparadang van sa harap ng isang convenient store na nakakaabala umano sa ibang motorista sa Quezon at ayon sa mga ulat, pulis ang driver ng van.
Base sa paunang ulat, sinugod, minura, sinipa at sinapak umano ng nakasibilyang pulis ang nakaalitang truck driver na nangyari sa Gumaca, Quezon nitong Huwebes at ayon sa mga saksi, nagsimula raw ang gulo nang paulit-ulit na businahan driver ng truck ang van na pumarada sa harap ng isang convenient store.
Ang naturang pagparada ng van, nakakaabala umano sa ibang motorista.
Makikita naman sa video na may ilang saksi na umawat sa pulis.
Ayon sa hepe ng Gumaca Police, hindi naka-duty ang pulis na sa video nang mangyari ang insidente. Iniimbestigahan na raw nila ito, at kasamang aalamin kung nakainom ang pulis nang mangyari ang kaguluhan.
Ipinatawag din ang driver ng truck na umamin na bumaba siya ng kaniyang sasakyan na may hawak na pamalong bakal. Gayunman, nauna raw na nanakit ang nasabing pulis.
Hindi naman daw ginamit ng driver ang pamalong bakal na ibinigay daw niya sa umawat sa gulo.