Isang binata ang nakaligtas mula sa mga snatcher na nagtangkang tumangay ng kanyang cellphone matapos niyang hugutin ang susi ng motorsiklong gagamitin sana sa pagtakas at itinakbo sa pinakamalapit na presinto sa Las Piñas City.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang paglapit ng isang lalaking nakamotor sa biktima at ayon dito, inaalok sa kaniya ang isang babae ngunit tinanggihan niya ito.
Sandaling umalis ang suspek at ipinarada ang motor sa tabi ng kalsada at matapos nito ay binalikan nito ang biktima, ngunit may kasama na itong isa pang lalaki.
“Pinipilit po nila talaga ako roon na kumuha ako ng babae. Pagkasabi pong ayoko, kinuha po nila bigla ‘yung cellphone ko,” salaysay ng biktima.
Ngunit sinundan ng biktima ang mga suspek at nang makakuha ng tiyempo, kinuha niya ang susi ng motorsiklo saka niya ito itinakbo.
Dahil hawak ng biktima ang susi, iniwan na lamang ng mga salarin ang motorsiklo.
Dinala ng biktima ang motorsiklo ng mga suspek sa pulisya.
“Napakapambihirang kaso lang nito dahil ito ay nangyayari lamang sa TikTok. Noong naagaw po ang cellphone niya, naagaw naman niya ‘yung susi at itinakbo naman niya ‘yung motor ng snatcher,” sabi ni Police Colonel Jaime Santos, Chief ng Las Piñas Police.
Natunton ng kapulisan ang mismong may-ari ng motor, at natukoy din ang suspek sa video base sa salaysay ng anak ng nakarehistrong owner.
“Hiniram daw ‘yung motor niya ng kaibigan niya na nagdala roon ng babae,” sabi ng imbestigador na si Police Senior Master Sergeant Marsito Torreon.
Ikinasa ng pulisya ang isang follow-up operation ngunit nakatakas ang suspek na kinilalang si Joel Plandano. Patuloy siyang tinutugis ng mga awtoridad.
“Naiwan po ‘yung ID ng pinaghihinalaan niyang nang-snatch na taga-Bacoor. Ito po ay ifa-follow up. Bagama’t natatawa tayo pare-pareho, ‘yung TikTok pala ay nagkakatotoo minsan,” sabi ni Santos.