Mayroon na namang nakaambang taas-presyo sa gasoline ngayong araw habang mahigit P1 bawat litro naman ang matatapyas sa presyo ng diesel at kerosene.
Ayon sa Seoil at Shell Pilipinas nitong Lunes, magtataas sila ng P0.45 per liter sa presyo ng gasolina sa Martes habang mababawasan naman ng P1.25/L ang presyo ng kanilang diesel, at P1.20/L naman sa kerosene.
Ipatutupad nila ang price adjustments simula 6 a.m. sa Martes.
Katulad na price adjustment din ang ipatutupad ng Cleanfuel at PTT Philippines para sa gasolina at diesel simula sa 12:01 a.m. ng October 31. Hindi naman kasama sa kanilang mga produkto ang kerosene.
Epektibo rin sa 6 a.m. sa Martes ang kaparehong price adjustment ng Jetti. Habang wala pang anunsyo ang ibang kompanya ng langis.
Una rito, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, na ang inaasahang pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunga ng diplomatic efforts sa Middle East para mapawi ang pangamba baka magkaroon ng aberya sa suplay ng krudo.
Idinagdag niya na nakaapekto rin ang malakas na halaga ng US dollar na “that makes oil more expensive for buyers in other currencies, leading to lower demand and lower prices.”
Sa datos hanggang nitong October 26, umabot na sa P13.75 per liter ang itinaas sa presyo ng gasolina, P11.70 per liter sa diesel, at P6.24 per liter sa kerosene.