Inihayag ng Bureau of Immigration nitong Lunes na nakauwi nang ligtas sa bansa ang tatlong Pilipino na bikima ng human trafficking sa Myanmar.
Ayon kay BI commissioner Norman Tansingco, na-recruit umano ang mga ito bilang call center sa Thailand subalit ipinadala ang mga ito sa Myanmar at pwersahang pinagtrabaho bilang love scammers sa isang cryptocurrency trading.
Ang tatlong Pilipino na hindi muna pinangalanan ay sinundo umano at sumakay sa isang van at dinala sa Mae Sot sa Thailand kung saan tumawid sila sa border patungong Myanmar.
Sa Myanmar, sinabi ng commissioner na tinatarget sa naturang scam ang mga American nationals at Europeans para mag-invest sa pseudo cryptocurrency accounts.
Ang masahol pa umano ay binigyan ng lingguhang quota ang 3 biktima at kapag nabigo silang maabot ang quota, paparusahan sila ng pisikal gaya ng push ups at jump squats.
Dagdag pa ni Tansingco, pinuwersa umano ang tatlong biktima na magtrabaho ng 16 hanggang 18 oras kada araw. PInayagan lamang aniya silang makauwi sa PH matapos na magbayad ng P90,000 bawat isa sa kanilang employers.
Samantala, inilagay na ang Pilipinas sa green list ng France kung saan papayagan na ang mga fully vaccinated na Pilipino na makapasok sa naturang bansa ng wala ng mga restriksyon.
Kailangan lamang magpresenta ng mga bakunadong biyahero mula sa Pilipinas ng patunay ng kanilang vaccine status kapag babiyahe patungong France.
Subalit para sa mga hindi pa bakunado ayon sa Embahada ng France na kailangan lamang ng negatibong resulta ng RT-PCR test less than 72 oras bago umalis sa pinanggalingang bansa o antigen test less than 48 hours bago ang departure.
Para naman sa mga nagpositibo sa PCR o antigen test ng hindi hihigit sa 11 araw at less than 6 months bago ang deprture ay kailangang magpresenta ng recovery certificate.
Ayon sa embahada, ang mga bata na 12 anyos pababa ay exempted mula sa naturang mga requirements.