Ilang mga botante para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ang hindi umano umabot sa 3 p.m. cut-off time para sa eleksyon at ang iba sa kanila ay talagang nadismaya.
Ilang residente sa Parañaque ang dumating sa voting precinct sa Parañaque Elementary School Central ilang minuto lamang matapos ang cut-off at ayon sa ilan ay hindi sila nakaalis agad sa kanilang mga trabaho at ang ilan naman ay naligaw umano sila sa loob ng paaralan.
“May trabaho kasi kami, inalisan lang namin. Sarado na daw ho eh. Nakiusap kami, ayaw talaga. Dismayado [kami], siyempre karapatan namin bumoto eh di naman na practice,” saad ng isang botante.
Hindi na rin pinapasok ang mga botanteng nag-aabang sa labas ng gate ng paaralan.
“Pasensya na po, talagang ang oras ng botohan ay alas-3 lamang. Sana inagahan ninyo. Kasi ang pabobotohin yung within 30 meters na lamang sa kanilang presinto,” ani Myla Velasquez, principal sa paaralan.
Samantala, hindi rin pinapasok ang mga residente ng Barangay 176 Bagong Silang sa Bagong Silang Elementary School sa North Caloocan matapos abutin ng 3 p.m. na cut-off.
Nakiusap ang mga residente ngunit hindi sila pa rin sila pinayagang makaboto at ayon sa kanila, hindi sila agad nakaboto dahil naghahanap-buhay sila, at hindi rin sila nakakanood ng TV kaya hindi nila alam na hanggang 3 p.m. lamang ang botohan.
Ang Barangay 176 Bagong Silang ang pinakamalaking barangay sa Pilipinas, na may nasa 90,000 rehistradong botante. Mayroong tatlong kandidatong naglalaban para sa posisyon ng barangay chairman, habang 47 naman ang para sa kagawad.