Lumaki hanggang maging fetus ang embryo ng daga sa eksperimento ng mga mananaliksik na Hapones sa International Space Station.
Ang resulta ng eksperimento ay ang unang patunay na kayang magbuntis ng babae sa kalawakan o kawalan ng gravity, ayon kay Teruhiko Wakayama, propesor sa Advanced Biotechnology Center ng University of Yamanashi.
Dinala ng unibersidad at Japan Aerospace Space Agency sa ISS ang frozen mouse embryos sa ISS noong Agosto 2021.
Tinunaw ang yelong nagpreserba sa embryo at pinalaki ito sa sumunod na apat na araw.
Normal namang naging blastocysts ang embryo sa kondisyong microgravity at ito ay naging fetus at plasenta, ayon sa mga mananaliksik.
Pinatunayan ng eksperimento na walang epekto ang gravity sa pagiging fetus ng embryo, sabi ng mga mananaliksik sa pag-aaral na inilathala sa scientific journal na iScience nitong Sabado.
Sinabi rin nila na walang pagbabago sa kondisyon ng DNA at gene nang busisiin ang blastocysts pagbalik nito sa laboratoryo sa mundo, ayon sa Agence France-Presse.
Sa isang joint statement na inilabas nitong Sabado, sinabi ni Yamanashi at ng pambansang research institute ng Riken na ang isinagawang research ay unang pananaliksik kung saan ipinakita na ang mammal ay kayang magparami sa kalawakan.
Iyon ang unang pag-culture ng early-stage mammalian embryos sa microgravity ng ISS, dagdag nila.
Sa hinaharap, kailangang ma-transplant ang blastocysts na nabuo sa ISS sa daga para makita naman kung mabubuntis ito at manganganak bilang patunay na normal ang blastocyst na lumaki sa kalawakan.
Makakatulong ang ganitong pag-aaral para sa paninirahan ng tao sa kalawakan, buwan o ibang planeta, ayon sa ulat.