Habang patuloy na hinahanap pa rin ang nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon, marami na ang nadidiskubre ng pulisya sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Inihayag ng mga otoridad na ang kotseng gamit ng dalaga ay lumilitaw na ibinigay lang sa kaniya pero ang nakasaad na address ng may-ari na nakalagay sa deed of sale ng sasakyan ay hindi totoo.
Ayon kay Police Regional Office 4A chief Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas, kumikilos na ang Philippine National Police-Highway Patrol Group para mahanap ang may-ari ng sasakyan bago napunta kay Catherine.
“Hinahanap pa natin iyong bumili ng sasakyan kasi nga iyong nakalagay doon sa deed of sale is fictitious iyong address na nakalagay,” sabi ni Lucas. “So iyong HPG, sila po iyong naghahanap ngayon noong tao na nakalagay sa deed of sale ng sasakyan ni Catherine.”
Nauna nang inihayag ng pulisya na isang pulis na umano’y karelasyon ni Catherine ang “person of interest” sa pagkawala ng beauty queen na isa ring guro sa Tuy, Batangas.
Ang naturang pulis ang umano’y nagbigay kay Catherine ng sasakyan na kaniyang gamit nang umalis siya ng bahay at nagpaalam na may kakatagpuin sa Batangas City noong Oktubre 12.
Sa CCTV footage sa mga lugar na dinaanan ng sasakyan ni Catherine, lumilitaw na may kasama siya sa sasakyan.
“Lahat ng mga nainterview natin ay nagsasabi na siya [pulis na POI] ang huling kasama nitong si Miss Catherine. Base na rin sa mga text messages at base na rin sa nakuha natin sa ACG, na palitan nila ng text messages dun sa isang kaibigan niya…kung kailan sila unang nagkita, saan sila nagkakilala, kasama po ito sa imbestigasyon na ginagawa,” sabi ni Lucas.
Inalis na sa puwesto ang pulisya at nasa holding unit ng Regional Office 4A habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Positibo naman ang mga awtoridad na buhay pa si Catherine.