Iniulat ng mga otoridad na isang traffic enforcer ang nasawi matapos magulungan ng truck na kaniyang hinabol habang sakay ng motorsiklo para sana sitahin dahil sa paglabag sa truck ban sa Bacoor, Cavite.
Ayon sa pulisya, nangyari umano ang insidente sa kahabaan ng Molino Boulevard noong Miyerkules ng umaga at batay sa imbestigasyon, may umiiral na truck ban nang sandaling iyon kaya hinabol ng biktima ang truck na may kargang mga semento.
“Sa paghabol niya, nag-overtake siya sa right side ng truck. Unfotunately, hindi yata napansin ng truck [driver] na may enforcer na humabol sa kaniya. Sumabit yung side mirror siguro, kasama na rin yung manibela ng motor [ng biktima,” ayon kay Police Lieutenant Colonel John Paolo Carrecedo na hepe ng Bacoor City Police.
Kinailangan pa umanong harangin ng mga tao ang truck para ipaalam sa driver nito na may nasagasaan siyang enforcer.
May suot na helmet ang biktima pero nawasak ito sa bigat ng karga ng truck.
Sinabi umano ng driver ng truck sa mga otoridad na hindi sila nagkaroon ng iringan ng biktimang enforcer bago mangyari ang insidente.
“Hindi yung tipo na pinara, tumakbo, hinabol, binangga. Hindi naman ganoon,” ayon kay Carrecedo.
Nasa kostudiya ng Bacoor police ang driver ng truck na maaaring maharap sa kaukulang reklamo.