Sinita ng Metropolitan Manila Development Authority ang contractor ng isang asphalt overlay project sa Cubao, Quezon City dahil nag-operate daw ito nang wala sa schedule nitong Sabado.
Ang nasabing project ay isinasagawa sa New York Avenue at ang pagsasagawa ng proyekto ay nagdulot ito ng matinding trapiko hindi lang sa northbound lanes ng EDSA, kundi pati na rin sa inner roads ng Cubao.
“Ito inabutan namin madaling araw, maraming nagrereklamo sa amin na traffic na dito sa northbound avenue ng EDSA,” sabi ng hepe ng MMDA Task Force for Special Operations na si Bong Nebrija.
Ayon kay Nebrija, main arterial route ang New York Avenue na ginagamit ng mga provincial buses para makarating sa kanilang mga terminal.
“Naantala ngayon ‘yung paglabas ng mga bus dahil sarado sa New York [Avenue]. Ang mga buses nagsipuntahan lahat sa EDSA,” aniya.
Umabot na raw sa Santolan ang dulo ng trapikong pa-northbound.