Patay ang assistant at kaibigan ng kumander ng Ukrainian army nang sumabog ang granada na laman ng isa sa natanggap niyang regalo para sa kanyang kaarawan nitong Lunes.
Sa kanyang post sa Telegram, kinilala ni General Valery Zaluzhny ang nasabugan at namatay na si Major Gennadiy Chastiakov.
Sa post naman ni Interior Minister Igor Klymenko sa Telegram, sinabi niyang pinapakita ni Chastiakov sa kanyang anak ang isang kahong may mga granada na natanggap niya bilang regalo.
Binutingting ng anak ang isang granada kaya agad na inagaw ni Chastiakov ito, lumayo at hinila ang “ring” na siyang nagpaputok sa granda, ayon kay Klymenko.
Nakilala na ng pulis ang sundalong nagbigay ng regalong granada at nakuha ang dalawa pang katulad na granada.
Iniimbestigahan na rin ang insidente.
Naiwan ng biktima ang kanyang asawa at apat na anak.