Ilang parte ng katawan ang natagpuan sa Iloilo na pinaniniwalaang galing sa isang lalaki at ang mga bahagi ng katawan ay nakalagay umano sa dalawang sako na itinapon sa magkaibang lugar.
Ayon kay Police Major Shiela May Sangrines, PIO chief, Iloilo City Police, mula umano sa iisang tao lang na lalaki ang mga natagpuan na parte ng katawan.
“‘Yung nakitang body parts, positively na-identify ng family niya from San Miguel, Iloilo na ‘yung kamay na nakita at katawan na walang kamay at ulo ay pagmamay-ari ng kanilang kaanak… iisang tao lang,” saad ng opisyal.
Idinagdag niya na nasa early 30’s ang edad ng biktima.
Unang nakita ang mga kamay ng biktima sa isang sako na itinapon sa La Paz dakong alas-sais ng umaga at ilang oras ang lumipas, isa na namang sako ang nakita sa Jaro na naglalaman ng katawan na walang ulo.
“As of this time, hindi pa rin mahanap ang pugot na ulo,” sabi ni Sangrines, na sinabing ito ang unang kaso nila ng chop-chop murder sa lungsod.
Dagdag niya, hinihinala ng pamilya ng biktima na “crime of passion” ang motibo sa likod ng karumal-dumal na krimen.
Gayunman, lahat ng anggulo umano ay iniimbestigahan ng mga awtoridad dahil may nakuha rin na ilang sachet ng ilegal na droga sa loob ng underwear ng biktima.
May nakita ring mensahe nang matagpuan ang katawan ng biktima na nagbibigay ng babala sa mga sangkot umano sa ilegal na droga.