Inihayag ng Department of Agriculture na sinimulan na nito ang implementasyon ng mga proyektong pinondohan ng World Bank na karamihan ay layunin na mapagbuti ang local agriculture infrastructure sa bansa.
Base sa datos mula sa DA, ang mga proyektong ito ay nagkakahalaga ng $920 million na kinabibilangan ng Philippine Rural Development Project Scale-Up na mayroong inilaang pondo na $600 million, Mindanao Inclusive Agriculture Development Project na nasa $120 million, at Philippine Fisheries and Coastal Resiliency Project na may $200 million.
Ang Philippine Rural Development Project Scale-Up ay layuning tulungan ang mga magsasaka at mangingisda na mapataas ang kanilang produksiyon at mapalakas ang partisipasyon ng mga kababaihan sa agrikultura.
Ipapatupad ito sa lahat ng 82 probinsiya sa buong bansa.
Samantala, ang FishCore naman ay layunin mapalakas ang fishery resources management partikular sa 24 na probinsiya at 11 rehiyon sa bansa habang ipapatupad din ang agri-fishery-based economic activities para sa mga katutubong indibidwal sa Mindanao sa ilalim ng Mindanao Inclusive Agriculture Development Project
Sinabi naman ng World Bank na layunin ng tatlong proyekto na ito ay para mapabuti ang seguridad ng pagkain sa bansa sa pamamagitan ng pamumuhunan sa mahahalagang imprastruktura.