Nakaantabay ang mga Cebuano, lalo na ang mga dukha sa probinsya, sa pagdating ng ika-28 ng Nobyembre. Ito ang araw na magtitinda ang Cebu Provincial Capitol ng bigas sa halagang P20 kada kilo.
Maraming Pilipino ang naghihintay sa murang presyo ng bigas na umano’y pinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung mahalal siyang pangulo noong nangangampanya pa siya para sa pwesto noong nakaraang taon. Sadya kasing napakataas na ng presyo ng pinakamurang bigas. Pumapalo na sa P40 pataas ang presyo ng bigas mula pa noong administrasyon ni Duterte. Wala na ang dating P27 per kilo na bigas mula sa National Food Authority.
Isang malaking pogi points para sa pamahalaan ng Cebu City na tuparin ang pangakong P20 per kilo na bigas. Ang mukhang imposibleng presyo ay nakayang gawin ni Gobernadora Gwen Garcia dahil para-paraan lamang naman ang solusyon sa mga suliraning panlipunan.
Naglaan ang pamahalaan ng probinsiya ng P100 milyong budget upang makabili ng 80,000 sako ng bigas sa NFA, na ipagbibili naman nito sa murang halaga sa mga mahihirap na pamilya lamang na tukoy ng mga social worker ng lokal na pamahalaan.
Naglaan rin ang kapitolyo ng Cebu ng P100 milyon para naman makabili ng commercial rice na ipagbibili rin sa ibang mamamayan sa murang halaga.
Limang kilong bigas lamang ang maaaring bilhin ng benepisyaryo kada linggo.
Nasa ilalim ng programang Sugbo Baratong Merkado ni gobernadora ang P20 per kilo na bigas. Bukod sa ‘baratong’ bigas, murang gulay at iba pang pagkain ang ititinda sa mga SBM tindahan na bubuksan sa lahat ng lokal na pamahalaan sa probinsya mula Lunes hanggang Biyernes.
Maging ang bagong hirang na kalihim ng agrikultura ay may niluluto na ring stratehiya upang makabili ang mga mamamayan ng murang bigas sa katapusan ng susunod na taon.
Hindi pa masabi ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. kung gaano kamura ang presyo ng bigas na hangarin niya. Nasabi lamang niya na magiging pokus niya na taasan ang produksyon ng bigas upang mapababa ang presyo nito sa merkado.
Ngunit kung nagawa ni Gobernadora Garcia na maibaba ang presyo ng bigas sa P20, wala sigurong dahilan upang hindi ito magawa ni Laurel. Sa kung paano niya magagawa ito ay nasa sa kanya na.
Malaking hamon sa kalihim na maibaba ang presyo ng bigas ngayong nagawa ito ng pamahalaang Cebu. Bagaman magiging available lamang ang P20 na bigas sa mga mahihirap na pamilya at 80,000 sako lamang ito, siguro naman ay may paraan kung paano makapagbenta sa ganitong presyo sa karaniwang mamimili at mahigit pa sa 80,000 sako ang pagkukunan ng murang bigas upang mas maraming mamamayan ang makinabang sa mas matagal na panahon.
Ang tanong na lamang ay maiisip ba at maisasagawa ba ang paraan upang magawa ito.