Nitong nakaraan ay lumutang ang mga bali-balitang mayroon umanong destabilization plot laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gitna nang mga mas marami pang problemang kinakaharap ng bansa ngayon.
Paliwanag ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., “taken out of context” ang kaniyang sinabi tungkol sa “destabilization efforts” sa Western Mindanao Change of Command Ceremony sa Zamboanga noong nakaraang Biyernes.
Giit pa ng AFP chief, wala siyang binanggit na destabilization “plot” o “plans” sa kaniyang talumpati.
“Pag sinabi nating plot, parang plano na ito na ie-execute na lang. Ang sinabi ko during my statement was that may mga naririnig tayo na mga ugong-ugong ng mga destabilization ‘efforts’. ‘Yun yung specific word na ginamit ko. So, I did not use the word ‘plot’,” sabi ni Brawner.
Idinagdag ni Brawner na ang kaniyang mensahe ay paalala lang sa mga AFP servicemen na manatiling tapat sa kanilang sinumpaan kasunod na rin umano ng panawagang protesta noong September 21.
“Yung oath na kinuha namin seriously that we would protect the constitution and the duly constituted authorities at di dapat kami sumasali sa kahit na ano mang mga movement na meron diyan,” giit ng Chief of Staff.
At ngayon naman, pinasinungalingan ni dating Information and Communications Technology Secretary Eliseo Rio na ang kaniyang grupong TNTrio at September Twenty-One Reform Movement ang nagpalutang sa destabilization rumors.
Ayon sa dating opisyal, wala sinuman mula sa dalawang grupo ang nakipag-usap kay Brawner kaugnay sa efforts para idestabilize ang administrasyong Marcos at paliwanag niya, isinusulong lamang ng akniyan grupo ang electoral reforms sa gitna ng mga iregularidad na bumabalot sa nakalipas na 2022 national at local elections.
Sinabi din nito na itinataguyod ng kaniyang grupo ang legal na paraan para makamit ang kanilang mithiin kabilang ang paghahain ng petisyon na humihiling sa Korte Suprema para atasan ang Commission on Electiosn, mga telco at technology provider para ipreserba ang transmission logs ng 2022 elections.
Ang mga ganitong klaseng balita ay hindi nakakatulong para sa kapanatagan ng mga Pilipino na hanggang ngayon ay humaharap pa rin sa kalbaryo nang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.
Sana ay maisip ng mga kinauukulan na dapat itigil na ang mga ganitong klaseng mga tsismis.