Iginiit ni House Speaker Martin Romualdez na handa siyang harapin at depensahan ang desisyon at aksiyon ng House of Representatives sa harap ng mga isyu at pagbabanta sa integridad nito.
Ayon sa House Speaker, maninindigan siya sa sinuman na mananakot sa House of Representatives para masunod lamang ang kanilang inaasam.
Ginawa ni Romualdez ang pahayag sa pagbabalik ng regular sesyon ng Kamara nitong Lunes.
Ang nasabing pahayag ay may kaugnayan sa isyu sa confidential funds na ni-realign ng Kamara sa ilalim ng 2024 General Appropriations Bill.
Sabi ni Romualdez, titindig din ang Kamara at isulong ang kapakanan ng sambayanang Pilipino at hindi umano magpapadala sa takot ang Kamara sa sinuman para masunod lamang ang kanilang gusto.
Dagdag pa niya, walang puwang ang palakasan ano man ang political affiliations nito at iginiit na patuloy nilang isusulong ang pagkakaisa upang matiyak ang patas at parehong pamamahagi ng government resources para sa pag-unlad ng ibat ibang rehiyon sa bansa.
Binangggit din ni Romualdez na sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang Kamara ay patuloy na pinaninindigan ang mga prinsipyong nauugnay sa demokrasya, representasyon at pagiging patas.
Walang puwang din ang dibisyon ng pulitika sa Kamara na kaniyang patuloy na pinanghahawakan.
Panawagan ni Romualdez sa mga house members na manatiling nakatutok sa kanilang mga trabaho.
Sa pagbabalik sesyon ng Kamara, siniguro ni Romualdez na nakatuon sila sa pagpasa sa mga priority measures ng Marcos administration.