Natukoy na ng mga otoridad ang isa sa dalawang suspek sa pagpatay sa radio anchor na si Juan Jumalon o mas kilala bilang si DJ Johnny Walker sa Calamba, Misamis Occidental at nitong Lunes ay inilabas na ng Philippine National Police and computerized sketch ng isa sa mga salarin.
Ayon kay Police Regional Office 10 spokesperson Police Major Joann Navarro, nakakuha na sila ng kopya ng CCTV footage at testimonya ng mga testigo na magagamit nila sa imbestigasyon sa nangyaring pagpatay kay Jumalon.
“Kahapon po actually, nakakuha na tayo ng testimonya ng mga witness at nakikipag-uganayan na rin po iyong ating kapulisan ng Misamis Occidental lalo-lalong na ang ating SITG sa mga kamag-anak,” saad ni Navarro.
Perro tumanggi nang magbigay ng ibang detalye ang PRO-10 spokesperson dahil patuloy pa rin umano ang isinasagawa nilang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
Kung matatandaan, naka-live broadcast si Jumalon sa kaniyang bahay para sa 94.7 Calamba Gold FM nitong Linggo nang pasukin siya ng mga salarin at binaril.
Ayon sa PNP, ang suspek sa computerized sketch ay ang naiwan sa gate ng bahay ng biktima.
Sa paglalarawan sa suspek, tinatayang may taas ito na 5 feet hanggang 5’6,” medium build at fair complexion.
Tinatayang nasa edad 40 ang suspek, may suot na red cap, green shirt, at itim na shorts nang mangyari ang krimen.
Nagpanggap umano ang mga suspek na may mahalagang iaanunsyo sa radyo kaya pinayagan na makapasok sa gate.
Naiwan ang isang salarin sa gate na armado ng baril at habang pumasok naman sa loob ng bahay ang isa pang salarin na siyang bumaril sa biktima.
Bumuo na ang Police Regional Office 10 ng special investigation task group para lutasin ang krimen.
Inihayag naman ni Department of Justice spokesperson Mico Clavano na magsasagawa rin ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation sa nangyaring pagpatay kay Jumalon.
Nakikipag-ugnayan din umano ang NBI sa Presidential Task Force on Media Security.