Matagumpay na nasubukan ng Rusya ang bilis at presisyon ng tinaguriang Bulava intercontinental ballistic missile nito kahapon, habang naging holiday na sa North Korea ang araw na inilunsad nito ang pinakamalakas na ICBM sa mundo.
Pinakawalan ng submarinong Emperor Alexander the Third ang Bulava sa may White Sea sa hilagang-kanlurang dalampasigan ng Rusya at lumipad ito ng libu-libong kilometro patungo sa Kamchatka peninsula sa malayong silangang bahagi ng bansa at tamaan roon ang target.
Kayang lumipad ng nasabing ICBM ng 8,000 kilometro.
Ang test-fire ng Bulava ay isa na namang hudyat ng pagpapaigting ng Rusya sa nuclear force nito bilang pananggalang habang nakikidigma sa Ukraine.
Kasunod nito ang pagbasura ng Rusya sa nuclear test ban treaty.
Samantala, itinakda ng Pyongyang ang ika-18 ng Nobyembre bilang holiday para gunitain ang matagumpay na pagpapalipad ng Hwasong-17 ICBM nitong nakaraang taon.
Tinaguriang “monster missile” ng North Korea ang nasabing ICBM dahil ito umano ang pinakamalakas na ICBM sa buong mundo.
Ang holiday ay para na rin gunitain ng mga taga-North Korea ang espesyal na pangyayari sa kasaysayan ng pambansang depensa nito at pagiging ganap na nuclear power ng bansa.