Nasa Pilipinas na ang mga labi ng overseas Filipino worker na nasawi sa Israel makaraang pagbabarilin sila ng kaniyang matandang pasyente ng teroristang grupong Hamas na pumasok sa kanilang bahay noong October 7.
Dumanting umano sa bansa ang mga labi ni Angelyn Aguirre sa Ninoy Aquino International Airport dakong 3 p.m. sakay ng Etihad Airways Flight EY 424 at ayon sa mga opsiyal ng Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration, ihahatid ang kaniyang mga labi sa Pangasinan.
Nauna nang nakauwi ang kapatid ni Angelyn na si Angenica, na isa ring OFW sa Israel.
Hiniling ni Angenica na maiuwi na rin sana ang mga labi ng kaniyang kapatid para makita na nila si Angelyn at makapagluksa sila.
“Ang hiling ko ngayon is ‘yung maipauwi ang katawan ng kapatid ko para makapagluksa na kami nang maayos, makita na rin po namin siya,” saad niya.
Huling nagkita at nagkasama ang magkapatid noong September 30 sa Tel Aviv. Isang linggo matapos nito, sinalakay ng Hamas ang Israel at pinatay si Angelyn at ang kaniyang amo sa kanilang bahay.
Una rito, sinabi ni OWWA Administrator Arnell Ignacio na bibigyan ng hero’s welcome si Angelyn, na piniling manatili kasama ang kaniyang pasyente sa bomb shelter kung saan sila pinasok ng Hamas at pinagbabaril.
Bukod kay Angelyn, tatlong iba pang Pinoy ang nasawi sa ginawang pag-atake ng Hamas: sina Loreta Alacre, 49; Paul Vincent Castelvi, at Grace Prodigo Cabrera.