Iginiit ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na “taken out of context” ang kaniyang sinabi tungkol sa “destabilization efforts” sa Western Mindanao Change of Command Ceremony sa Zamboanga noong nakaraang Biyernes.
Ayon kay Brawner, wala umano siyang binanggit na destabilization “plot” o “plans” sa kaniyang talumpati.
“Pag sinabi nating plot, parang plano na ito na ie-execute na lang. Ang sinabi ko during my statement was that may mga naririnig tayo na mga ugong-ugong ng mga destabilization ‘efforts’. ‘Yun yung specific word na ginamit ko. So, I did not use the word ‘plot’,” paliwanag ni Brawner.
Idinagdag ni Brawner na ang kaniyang mensahe ay paalala lang sa mga AFP servicemen na manatiling tapat sa kanilang sinumpaan kasunod na rin umano ng panawagang protesta noong September 21.
“Yung oath na kinuha namin seriously that we would protect the constitution and the duly constituted authorities at di dapat kami sumasali sa kahit na ano mang mga movement na meron diyan,” sabi ng Chief of Staff.