Isang radio anchor sa Misamis Occidental ang nasawi matapos itong barilin ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin habang naka-live broadcast nitong Linggo ng umaga sa kanyang progama sa radyo.
Kinilala ang radio anchor na si Juan Jumalon na kilala rin bilang “Johnny Walker” at ayon sa inisyal na impormasyon galing sa Philippine National Police sa Camp Crame, nangyari ang insidente nitong 5:30 ng umaga habang umeere ang programa ni Jumalon sa 94.7 Calamba Gold FM.
Naka-broadcast ang radio anchor mula sa kanyang home-based radio station sa Barangay Don Bernardo A. Neri sa bayan ng Calamba.
Sa kuha ng CCTV, nakita ang pagdating ng suspek sa sa istasyon at sinabing may mahalaga siyang anunsiyo na sana ay maiere sa radio program.
Subalit agad pinaputukan ng baril ng suspek si Jumalon nang malapitan at natamaan ang kanyang labi hanggang sa likod ng kanyang ulo.
Itinakbo si Jumalon sa Calamba District Hospital ng kanyang pamilya ngunit siya ay idineklarang dead on arrival.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matunton ang pagkakilanlan ng suspek pati na ang motibo sa krimen.
May inilagay na na mga checkpoint at may ikinasa nang dragnet operation para mahuli ang suspek.
Ayon sa Police Regional Office 10, magkakaroon ng special investigation task group para tumutok sa kaso ng pagpatay kay Jumalon.
“We are now actively conducting a thorough investigation to identify the perpetrators of this crime and bring them to justice. A [SITG] will be created to spearhead and coordinate the investigative efforts to facilitate the speedy resolution of the case,” saad ni PRO10 acting regional director Police Brigadier General Ricardo Layug Jr.
Samantala, kinondena ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpatay sa mamahayag at inutusan ang PNP na imbestigahin ang krimen.
“Ang ganitong walang kabihasnang pag-atake sa ating mamamahayag ay walang lugar sa isang demokratikong bansa,” saad ni Marcos.