Unti-unti nang natutupad ang pangarap ng dating Kapamilya star na si Liza Soberano na maging isang Hollywood star sa paglabas ng kanyang unang pelikulang gawang Amerika sa Pebrero.
Ineere na ang trailer ng “Lisa Frankenstein” kung saan gumaganap si Liza bilang si Taffy, ang kapatid-sa-labas ni Lisa, ang bida sa pelikula na ginagampanan naman ni Kathryn Newton.
Ang “Lisa Frankenstein” ay isang bagong bersyon ng storyang hango sa nobelang “Frankenstein” ng English author na si Mary Shelley.
Tungkol ito sa crush ni Lisa na isang bangkay na kanyang binuhay sa pamamagitan ng tanning machine. Halong katatawanan at horror ang tema ng pelikula dahil sa mga eksenang pagpatay at paglilibing.
Gumaganap naman bilang Frankenstein monster sa pelikula ng Focus Features na dinirek ni Zelda Williams, anak ng batikang Hollywood comedian na si Robin Williams, at sinulat ni Diablo Cody si Cole Sprouse.
Tulad ng karakter na Frankenstein, muling nabuhay ang karera sa showbiz ni Liza sa nalalapit na premier ng “Lisa Frankenstein” matapos niyang iwan ang Kapamilya network at kanyang manager upang tuparin ang pangarap na maging Hollywood star.
Nasa poder pa rin ng Careless Music si Liza at ito ang namamahala sa kanya sa ngayon. Ang nasabing record label at talent management company ay pagmamay-ari ng actor-singer na si James Reid at kasyosyong Jeffrey Oh.